Siguro Ay Hindi Na Ikaw



Wag kang mag alala.
Palagay ko hindi na kita mahal.
Siguro ay alaala mo na lamang ang aking minamahal.
Mga alaalang pinagsaluhan natin dalawa, nung tayo ay matatawag pang "Tayo".

Wag kang mag alala.
Alam kong masaya ka na sa kanya.
Siguro naman ay napupunan na niya ang mga kakulangan ko.
Mga kakulangang inakala kong dahilan kaya hindi ako maging sapat.

Wag mo akong alalahanin.
Ako ang kusang bumitaw, di man dahil sa hindi ka na mahal, kundi dahil pinagod mo ang puso kong parati ka na lamang ipinaglaban.
Ako ang nang-iwan ngunit tila ako ang napuruhan.
Ako ang nakalaya, pero parang ako ang naparusahan.

Wag mo akong alalahanin.
Iiyak ko lang muli ito, hanggang wala na yung sakit.
Hanggang sa maglaho na yung pait, dala ng kapabayaan mo sa pilit kong iningatan noon.
Ako na lamang ang sasalo. Ako naman ang luluha.

Ako nga ba ang nakalaya? O ako lamang ang nagparaya?
Tila naramdaman ko noong wala nang patutunguhan, kahit ang nais ko'y kasama ka sa pagtanda, ngunit wala pala talagang mapapala.
Sa relasyong binalot ng alinlangan, giniba ng kasinungalingan, at binagyo ng mga alitan.

Pinilit naman nating isalba, ngunit hindi pa din pala sapat.
Ang sinasabi nating pagmamahalan, kinapos sa tatag, pinarupok ng pagdududa.
Okay lang ako. Wag mo akong alalahanin.
Doon ako kung saan ka masaya, kahit hindi na ako ang kasama.

Hayaan mo muna akong isulat at ilahad, mga salitang minsan kong ipinagkait sayo ng tinalikuran kita.
Akala ko kasi noon ganon na ako katatag para isantabi ang damdamin ko para sa iyo.
Wag kang mag alala. Hindi kita babawiin sa kanya.
Pero kaya ko mang mahalin ka kahit hindi ka na akin, bigyan mo naman ako ng dahilan para itigil na ang aking katangahan.

Sa palagay ko, hindi na ikaw ang mahal ko.
O baka hindi na ikaw ang dating ikaw na bumihag sa puso kong minsan na ding naging alipin ng nakaraan ko bago ikaw.
Marahil ay ibang tao ka na't malayo na sa katauhang iniwan ko noon.
Siguro'y ikaw na ang taong inintay kong maging ikaw, ngunit napagod akong mag intay sa pagdating ng araw na yon.

Baka mahal lang kita dahil sa mga kantang nagpapaalala sa ating dalawa.
Baka mahal lang kita dahil naaaliw akong sumulat ng mga tulang ikaw pa din ang pangunahing tauhan.
Siguro mahal lang kita dahil nagsisilbi inspirasyon ang minsang "Tayo" kaya nakakalikha ako ng maraming tula.
Bakasakali, alaala mo na lang pala ang mahal ko ngayon, hindi na ang mismong ikaw.

Artw

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Hindi Pa Ba Sapat?

"The Girl Who Can't Be Moved"