Mahal, Ako Naman


Kumusta mahal?
Marahil ika'y muli nang nakakangiti habang nasa piling niya.
Siguradong ako ngayo'y isang lumang larawan na lamang sa iyong isipan.

Eto ako, mahal.
Nakakangiti pa din sa mga alaalang ating minsang inipon.
Nananaginip pa ding yakap mo ako ng mahigpit.

Patawad, mahal.
Iniwan ka't lumisan dahil puso'y napagod, isipa'y sumuko.
Kumawala sa pighati ng pagsasamang hindi na natin mapausbong.

Mahal, pwede ba?
Pwede bang habang masaya ka na sa kanya, iwan mo muna ang mga ngiting minsan mong binigay sa akin?
Ayoko lang kasing mabahiran ng lungkot ang aking pag-iisa.

Hanggang sa muli, mahal.
Aalagaan ko ang mga natitirang alaala, babaunin ko ang mga ngiti sa tuwina.
Hanggang dumating ang panahong handa na akong umibig muli.

Salamat, mahal.
Sa mga pagsubok na ating hinarap, ako'y may natutunan.
Sa sakit at mga luhang kumawala, ako'y muling namulat.

Paalam, mahal.
Unti-unti ko nang pag-aaralang bitawan ang pag-ibig ko sa'yo.
Ako naman mahal, ako naman muna ang mamahalin ko.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Hindi Pa Ba Sapat?

Siguro Ay Hindi Na Ikaw

"The Girl Who Can't Be Moved"