Panakaw Ng Saglit
Panakaw ng Saglit
Hindi na kita laging sinisilip,
Pero iniisip pa din kita.
Hindi na ulit kita sinusundan,
Pero gusto pa din kitang masulyapan.
Bawat hakbang ko pasulong,
Napapaurong na ako nang bahagya.
Ayoko na kasi sana ulit.
Pagod na kasi talaga ako.
Pero dahan-dahan lang.
Uutay-utayin ko na muna ang pag-urong.
Di kasi umubra nung minsan kong binigla.
Akala ko, wala na - biro lang pala un.
Dahil ang paglimot pala, dapat hindi lang isinasa-isip.
Kundi isinasa-puso din.
Posible pala talagang makalimutan ng isip,
pero maaalala pa din ng puso.
Ayoko nang apurahin.
Baka mapurnada nanaman.
Ung akala kong okay na ako,
Sa kaibuturan pala'y isa lamang panlilinlang.
Pasulyap lang ako pag minsan,
Hindi para masaktan pa, dahil hindi na naman masakit.
Kundi para masilayan lang, na okay ka nang talaga.
Hindi na gaya nang dati, luhaan nang ako'y sumuko.
Panakaw-tingin lang sa mga ngiti mong minsa'y ako ang dahilan.
Tititig lang saglit sa mga mata mong dati'y ako lang ang nakikita.
Magpapakalango muna ako sa ideyang minsan ako'y siya, at walang siya sa buhay mo.
Ikaw at ako lang, walang kayo kundi tayo lamang.
Hinay-hinay na kitang aalpasan sa mga alaala ko.
Di gaya noong binigla kong kumawala mula sa gapos mo.
Dati'y takot akong mawala ka kahit maling mali nang lahat,
Pero nabigyan ng pagkakataon, nakatakas at nakalaya mula sa lasong pumapatay sa puso ko.
Kumawala ako, pero puso pala'y nanatiling bihag.
Nagmatigas man ang isip, ngunit damdamin ko'y sadyang marupok.
Pagdating sa'yo, ako'y natutunaw.
Basta sa larangan ng pag-ibig, ako'y natatanga.
Sa huling pagkakataon, pagtalikod ko sa'yo ngayon ay totohanan na.
Lilingon man ako, ngunit minsan na lamang.
Totoo nang hindi na ako babalik sa'yo gaya ng dating nakagawian.
Gayong alam ko namang wala nang "TAYO" akong babalikan pa.

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento